Makitambay na

Tuloy po kayo sa aking tambayan! Lahat dito ay simple dahil ang buhay ay di dapat gawing komplikado. Anumang karanasan, masaya man o malungkot dapat ay pinagkukunan ng lakas. Kaya dito lahat ay positibo. Makitambay na kasama si SmartGuy!

Saturday, April 24, 2010

ISULONG ANG MABILIS NA PAG-AHON



Sana ang susunod na lider ng ating bayan ay maging isang modelo ng kaayusan, katahimikan, malinis na pamamahala, may paninindigan, may tunay na gawa at hindi lamang salita at higit sa lahat may matibay na pananampalataya sa Maykapal.

Sa kabila ng mga negatibong kampanyahan sa ngayon sa ating bayan, tila yata nakaligtaan ng lahat na marami pa ring positibo sa ating kasalukuyang panahon - ang ating yamang kalikasan, ang kabutihang loob ng ating mga kababayan, ang mga negosyo, ang mga umuusbong na bayaning Pilipino, ang mga alagad ng sining at pampalakasan na nagbibigay ng karangalan sa ating bayan.

Ang bayan natin ay hindi lamang pawang "katiwalian" katulad ng ating naririnig sa telebisyon at radyo, nababasa sa pahayagan at sa mga internet sites, sana nakikita din natin ang mga magagandang pagbabago sa ating bayan, bakit hindi kaya natin tingnan ang mga pagbabago sa ating mga sarili, sa ating mga tahanan, sa ating mga pamayanan.

Ang ating lipunan ay binubuo ng mga mamamayan at tayo ay kabilang dito. Anumang negatibong balita sa ating pamayanan ay isang repleksyon kung ano ang mamamayan. Ang lipunan ay hindi lamang kinakatawan ng mga lider ng pamahalaan, kundi sila at ang mga mamamayan. Walang tiwaling pamahalaan kung walang tiwaling mamamayan. Bakit hindi natin tanungin sa ating mga sarili, naging bahagi ba tayo ng isang tiwaling lipunan? Sa mga maliliit na transaksyon sa pamahalaan, sinunod ba natin ang tamang proseso? O sa kagustuhan nating maging mabilis at konbinyente, kinakailangan nating hindi pumila at ipasuyo sa mga kakilala natin sa loob ng opisinang pampahalaan at magbigay ng pangminindal na isandaang piso. Hindi po ba korapsyon yon? Hindi ba tayo na rin ang nagbigay ng pagkakataon sa mga nasa pamahalaan na maging tiwali?

Lagi nating sinisigaw na matigil na ang katiwalian sa pamahalaan suballit hindi natin naitanong sa ating mga sarili, naging bahagi ba ako ng katiwaliang yan? Ang pag-unlad ng pamayanan ay hindi lamang obligasyon ng mga nasa pamahalaan, tayo rin bilang mamamayan ay may obligasyon sa pag-unlad ng bayan, sa pagtamo ng isang tahimik at mapayapang pamayanan.

May mas mabuting paraan para isakatuparan ang mga hangarin ng mga partidong politikal...at yon ay ang ipaliwanag sa mamamayan ano nga ba ang magagawa nila para sa bayan. Hindi dapat maging opsyon ang negatibong pangangampanya. Nakakalungkot na ang pagpili ng lider sa ating bayan ay isang "popularity game". Nawala na ang tunay na esensya ng pagpili ng lider...ang kakayahan, ang plataporma, ang mgs espesipikong programa para sa bayan.

Kapansin pansin din ang hindi natin paglimot at pagpatawad sa nakaraan, dala-dala pa rin ng sambayanan nag anino ng mga nakaraang pamahalaan. Inihahalintulad natin ang mga pagkakataon, tao at mga pangyayari sa mga mga pagkakataon, tao at pangyayari sa nakaraan. Sa pag-aaral na sikolohiya ito ay isang palatandaan ng pagiging immature.

Naniniwala ako na anuman ang ating nararanasan ngayon ay isang proseso patungo sa isang malinis, maunlad, maka-Diyos, maka-tao, maka-kalikasang lipunan.

Ipagpatuloy natin ang pagdarasal para sa ating bayan. Sabayan na rin natin ng pagkilos at pakikiisa sa pamahalaan.

ISULONG ANG MABILIS NA PAG-AHON NG BAYAN!

ISULONG SI GIBO NGAYONG MAYO 10, 2010!

Sulong Gibo!

No comments: